filipino prof ed 7b






PROF ED 7B



MEMBERS:
ENCINA, ELOISA C.
MATIENZO, MELODY Z.
CHAVEZ, MARY ANN S.
ANONUEVO, CHRISTINE JOY F.
GUERERRO, LLOYD
NARIO AIZAH


MGA GABAY SA PAG- AARAL TUNGKOL SA WIKA:




MGA BAHAGI NG PANANALITA

1. PAG- UURI- URI

           Sa Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos ay inuuri sa sampu ang mga bahagi ng pananalita. Ang mga ito ay:
  1. Pangngalan
  2. Panghalip
  3. Pandiwa
  4. Pang- uri
  5. Pang- abay
  6. Pangtukoy
  7. Pangatnig
  8. Pang- ukol
  9. Pang- angkop
  10. Pandamdam
       Sa blog na ito, ang mga bahagi ng panalita ay uuriin natin ng ganito.

  • Mga Salitang Pangnilalaman (Content Words)
  1.  Mga Nominal
               a. Pangngalan
               b. Panghalip
     2. Pandiwa
     3. Panuring
               a. Pang- uri
               b. Pang- abay
  • Mga Salitang Pangkayarian (Function words)


  1. Mga Pang-ugnay
               a. Pangatnig
               b. Pang-angkop
               c. Pang-ukol
    2. Mga Pananda
               a. Pantukoy
               b. Pangawing

  1. Mga Pangngalan

           -Sa pagbibigay  ng katuturan ng pangnalan ay dalawang pananaw ang ating gagamitin;  (1) yaong katuturang batay sa kahulugang pansemantika na ginamit sa balarilang tradisyunal at (2) yaong batay sa linggwistikang istruktural.
           - Sa pananaw na pansemantika, ang depinsyon ng isang bahagi ng panalita ay ibinabatay sa kahulugang ibinibigay nito. Halimbawa, ang mga salitang Neneng, Jose, aklat, atb,ay mga ngalan ng tao at bagay; ang mga salitang ito ay pangngalan. Ang mga salita namang mabait at marunong ay naglalarawan kaya't ang mga ito ay pang-uri.
           - Samakatwid, sa pananaw na pansemantika at tradisyunal na balarila, ganito ang katuturan ng pangnaglan: 
Related imageImage result for pencilRelated imageImage result for schoolImage result for buwan ng wika 
  1. Ang pangngalan ay pasalitang simbolong ang tinutukoy ay tao,hayop,bagay,pook,pangyayari, atb.
  2. Ang pangngalan ay ngalan ng tao,hayop,bagay,pook,pangyayari, atb.
              -Ang unang katuturan ay gumagamit ng katawagang pansemantika, pasalitang simbolo; ang ikalawa ay ang karaniwang katuturang ibinibigay ng balarilang tradisyunal.
              - Magbigay tayo ng mga halimbawa.

  1. Mga Pangngalan Ngalan ng Tao
  • Manolo
  • Bong
  • ama
  • anak
  • guro
  • manananggol
       2. Mga Pangngalang Ngalan ng Hayop
  • Tagpi
  • Muning
  • aso
  • pusa
  • tandang
  • katyaw
      3. Mga Pangngalang Ngalan ng Bagay
  • Monggol
  • Bagong Balarilang Filipino
  • lapis
  • aklat
  • pagkain
  • laruan
       4. Mga Pangngalan Ngalan ng Pook
  • Pilipinas
  • Bundok ng Apo
  • lungsod
  • bundok
  • kapalaran
  • Kamaynilaan
       5. Mga Pangngalan Ngalan ng Katangian
  • bait
  • tapang
  • kabaitan
  • katapangan
  • pagkamabait
  • pagkamatang
        6. Mga Pangngalan Ngalan ng Pangyayari
  • Ikalawang Digmaang Pandaigdig
  • Unang Pambansang Seminar sa Billinggwalismo
  • kasalan
  • pag-aaway
  • pulong
  • suntukan
Mga Klasipikasyon ng Pangngalan
                 Ang mga pangngalan ay mauuri ayon sa kahulugan o kayarian ng mga ito bilang isang salita. Ang unang pag-uuri ay klasipikasyong pansemantika, ang ikalawa ay pangkayarian o pang istruktura.

Mga uri ng Pansemantika
                Sa ilalim ng pag-uuring pansemantika ay may dalawang paraan ng klasipikasyon. Ang una batay sa kung ang pangngalan ay may diwang panlahat o hindi panlahat, at ang ikalawa ay batay sa kung ang pangngalan ay tumutukoy sa isang bagay na tahas o hindi tahas.
                Ayon sa unang batayan, ang mga pangngalan ay maaaring  (1) Pangngalan Pantangi(2) Pangngalan Pambalana.
                  Ayon naman sa ikalawang batayan, ang pangngalan ay maaaring (1)Tahas o (2) Basal.

Pantangi
       ang pangngalan kung tumutukoy ay isang tanging tao ,hayop, bagay, pook o pangyayari. Ang ibig sabihin ng tangi  ay partikular na tao, hayop,bagay,pook o pangyayari.Sumasagot sa tanong na: Ano ang panawag sa o ngalan ng partikular na taong ito, o pusang ito, atb.; ng partikular na aklat na ito, o lapis na ito, atb ng partikular na dagat na ito o ilog na ito, atb.?
          Narito ang ilang halimbawa.
  1. Mga Pangngalan Ngalan ng Partikular na Tao.
  • Miguel
  • Carisa
  • Bb. Luz De Guzman
  • Dr. Villaroman
      2.Mga Pangngalang Partikular na Ngalan ng Iba't-Ibang Uri ng hayop
  • Tagpi
  • Spot
  • Muning
  • Brownie
     3.Mga Pangangalang Partikular na Ngalan ng Iba't Ibang Bagay
  • Bic
  • Mongol
  • Bagong Bararilang Filipino
  • Magasing Panoroma
      4.Mga Pangngalan Partikular na Ngalan ng Pook
  • Talon ng Maria Cristina
  • Bundok ng Makiling
  • Ilog Pasig
  • Baguio
     5. Mga Pangngalang Partikular na Pangyayari
  • Paligsahang Bb. Universe ng Taong 1975
  • Unang Pambansang Kilusan sa Pagpaplano ng Pamilya
      - Tingnan naman natin ang kahulugan ng pangngalang pambalana
      
      Pambalana 
               Ang mga pangngalan tumutukoy sa pangkahalatang diwa. Halimbawa, ang pangngalan Tao ay tumutukoy sa lahat ng ilalang na may katawan at kaluluwang rasyunal.
               Narito ang ilang halimbawa:
1. Mga Pangngalang Pangkalahatang Ngalan ng Tao.
  • Bata
  • lalaki
  • guro
  • abogado
2. Mga Pangngalan Pangkalahatang Ngalan ng Hayop
  • asa
  • pusa
  • baka 
  • insekto
3.Mga Pangngaln Pangkalahatang Ngalan ng Bagay
  • lapis 
  • bahay
  • radyo
  • relo
4. Mga Pangngalan ng Pangkalahatang Ngalan ng Pook
  • ilog
  • kapatagan
  • bulubundukin 
  • lungsod
5. Mga Pangngalang Pangkalahatang Ngalan ng Pangyayari
  • sayawan
  • gulo
  • banggaan
Ang mga Pangngalang Pantangi ay sinisimulan sa malaking titik kapag sinusulat. Ang mga Pangngalang Pambalana ay sinisimulan naman sa maliit na ttik maliban kung simula ng pangungusap.


Ngayon ay kunin naman natin ang isa pang pag-uuring pansemantika ng pangngalan: (1) ang tahas at (2) ang hindi tahas  o basal.

Tahas ang Pangnglan kung tumutukoy sa bagay na materyal.
Mga halimbawa;
  • tao
  • hayop
  • puno
  • gamot
  • pagkain
  • kasangkapan
Basal ang pangngalan kung ang tinutukoy ay hindi materyal kundi diwa o kaisipan.

Mga halimbawa:
  •  buti
  • ganda
  • sama
  • bait
  • pag-asa
  • kaligayahan
Ang mga Pangngaln Tahas ay mauuri pa rin sa dalawa:(1) palansak at (2) di palansak.
 Ang Palansak ay tumutukoy sa pangkat ng iisang uri ng tao o bagay

Mga halimbawa:
  • buwig
  • kumpol
  • hukbo
  • lahi
  • tumpok
  • tangkal
Ang di-palansak ay tumutukoy lamang sa mga bagay na isinasaalang-alang nang isa-isa.

Mga halimbawa:

  • saging
  • bulaklak
  • sundalo
  • tao
  • kamatis
  • manok.

Mga Uring Pangkayarian

Ang mga uri ng pangngalan, batay sa kayarian nito, ay ang mga sumusunod: 1) payak, 2) maylapi, 3) inuulit, 4) tambalan.


Pangngalang Payak

Payak ang pangngalan kung ito ay isang salitang-ugat lamang. Wala itong kasamang panlapi o katambal na salita, hindi rin inuulit ang kabuuan o bahagi nito. Ang pangngalang payak ay binubuo ng isang morpema lamang.

Mga halimbawa:

  • asin
  • bunga
  • balak
  • diwa

Pangngalang Maylapi o Hinango

Ang pangngalan ay tinatawag na maylapi o hinango kung binubuo ng salitang-ugat at panlaping makangalan. Sa bagong pananaw, sinasabing ang pangngalang maylapi ay binubuo ng isang morpemang malaya at isang morpemang di-malaya. Ang morpemang malaya ay ang salitang-ugat; ang morpemang di-malaya ay ang panlapi.

Mga halimbawa:

  • kaklase
  • kabuhayan
  • pagbasa
  • dinuguan

Pangngalang Inuulit

Inuulit ang pangngalan kung ang kabuuan nito o ang bahagi nito ay inuulit, may dalawang uri ng pag-uulit. a) ang pag-uulit na di-ganap o pag-uulit na parsyal at b) ang pag-uulit na ganap.

Ang pag-uulit na di-ganap o pag-uulit na parsyal ay yaong bahagi lamang ng salitang-ugat ang inuulit.

Mga halimbawa:

  • bali-balita
  • sali-salita
  • tagu-tagumpay
  • kapa-kapatid

Pag-uulit na ganap ang tawag sa pag-uulit ng buong pangngalan. Mga pangngalang payak lamang na binubuo ng dalawang pantig ang nauulit nang ganap.

Mga halimbawa:
  • kuru-kuro
  • bayan-bayan
  • buhay-buhay
  • sabi-sabi

Pangngalang Tambalan

Ang pangngalang tambalan ay binubuo ng dalawang magkaibang salitang pinag-iisa. Binubuo ito, samakatwid, ng dalawang morpemang malaya.

Dalawang uri ng pangngalang tambalan: a) malatambalan o tambalang di-ganap b) tambalang ganap

a) Tambalang di-ganap
  • balikbayan
  • alay-kapwa
  • dalagang-bukid
  • bahay-kalapati
b) Tambalang ganap
  • kapitbahay
  • bahaghari
  • hampaslupa
  • dalagambukid

Unang Pagsusulit: 

Pagkilala: Ibigay ang tamang sagot ng bawat pahayag sa ibaba.


________ 1. Bahagi ng pananalita na tumutukoy sa ngalan ng tao, hayop, bagay, lugar, at pangyayari.
_______ 2. Tiyak na ngalan ng tao, hayop, bagay, lugar, at pangyayari at nagsisimula ito sa malaking titik.
_______ 3. Karaniwang ngalan ng tao, hayop, bagay, lugar, at pangyayari at nagsisimula sa maliit na titik.
_______ 4. Tumutukoy sa materyal na bagay na nakikita at nahahawakan.
_______ 5. Tumutukoy sa mga katangian, damdamin, at diwa, na sa isipan lamang maaari mailarawan.

2. Panghalip

Ang panghalip ay bahagi ng panalita na humahalili sa pangngalan.

Mga Uri ng Panghalip

May apat na uri ng panghalip: panghalip na panao, panghalip na pamatlig, panghalip na panaklaw at panghalip na pananong.

Mga Panghalip na Panao

Ang panghalip na panao ay panghalili sa ngalan ng tao.
Halimbawa, sa pangungusap na,
Image result for dr. jose rizal
1) Si Dr. Jose ay manggagamot ng baryo.

Ang Si Dr. Jose ay maaaring palitan ng siya, kayat ang pangungusap ay magiging

Siya ay manggagamot ng baryo. O kaya'y
Manggagamot siya  ng baryo.

Mga Panghalip na Panao

Panauhan/Kailanan
Anyong ang (palagyo)
Anyong ng (paukol)
Anyong sa (paari)
Isahan



Una
Ako
Ko
Akin
Ikalawa
Ikaw, ka
Mo
Iyo
Ikatlo
Siya
Niya
Kanya
Dalawahan



Una
(kata) kita, tayo
Natin
Atin
Ikalawa
Kayo
Ninyo
Inyo
Ikatlo
Sila
Nila
Kanila
Maramihan



Una
Kami
Namin
Amin
Ikalawa
Kayo
Ninyo
Inyo
Ikatlo
Sila
Nila
Kanila

Mga Panghalip na Pamatlig

Panghalip na pamatlig ang tawag sa mga panghalip na humahalili sa ngalan ng tao, bagay, atb. na itinuturo o inihihimaton.

Halimbawa:

Gaya ng mga turista ang kapatid nito.


Mga Panghalip na Panaklaw

Panghalip na panaklaw ang tawag sa mga panghalip sa sumasaklaw sa kaisahan, dami o kalahatan ng tinutukoy.

Halimbawa:
  • isa
  • iba
  • balana
  • lahat
  • tanan
  • madla
  • pawa
  • anuman
  • sinuman
  • alinman
  • kailanman
  • saanman
  • gaanuman
  • magkanuman
  • kuwan


Mga Panghalip na Pananong

Panghalip na pananong yaong mga panghalili sa ngalan ng tao, bagay, atb. na ginagamit sa pagtatanong.

Mapapangkat ang mga ito sa dalawang kailanan: isahan at maramihan

Isahan
Maramihan
Sino
Sinu-sino
Ano
Anu-ano
Alin
Alin-alin
Kanino
Kani-kanino
Ilan
Ilan-ilan

Pangalawang Pagsusulit

Multiple Choice: Piliin ang tamang sagot sa bawat pahayag. Ibraken ang bilog pagkatapos ng titik sa mga pamimilian.

1.    Ang tawag sa bahagi ng pananalita na ginagamit na panghalili sa isang pangngalan sa pangungusap
    1. pamanggit
    2. panghalip
    3. panghalip na panao
    4. panaklaw
2.      Ito, ire, niri, nito, ganito, ganire, dito
    1. pamatlig (malapit kinakausap)
    2. pamatlig( malapit sa nagsasalita)
    3. panghalip na pamanggit
    4. pamatlig( malapit ssa nag-uusap)
3.      Ginagamit para sa isang bagay o tao
    1. panghalip na panaklaw
    2. panghalip na pamanggit
    3. panghalip na panao
    4. panghalip na pananong
4.      Sumasaklaw sa kaisahan o dami, tiyak o di tiyak
    1. panghalip na panaklaw
    2. panghalip na pamatlig
    3. panghalip na pananong
    4. panghalip na panao
5.      Iyan, niyo, ayan, hayan, diyan
    1. pamatlig (malapit kinakausap)
    2. pamatlig( malapit sa nagsasalita)
    3. panghalip na pamanggit
    4. pamatlig( malapit ssa nag-uusap)


3. Pandiwa


Ang pandiwa ay yaong mga salitang nagsasaad ng kilos o gawa.

Image result for dancingRelated imageRelated image
1) Kayarian ng Pandiwa

Ang pandiwa sa Filipino ay nabubuo sa pamamagitan ng pagsasama ng isang salitang-ugat at ng isa o higit pang panlapi.

2) Mga Kaganapan ng Pandiwa

May pitong kaganapan ang pandiwa:
  1. kaganapang tagaganap ng pandiwa
  2. kaganapang layon ng pandiwa
  3. kaganapang di-tuwirang layon o tagatanggap ng bagay na isinasaad sa pandiwa
  4. kaganapang ganapan ng kilos ng pandiwa
  5. kaganapang kagamitan sa kilos ng pandiwa
  6. kaganapang sanhi ng isinasaad ng pandiwa
  7. kaganapang direksyonal o yaong nagsasaad ng direksyon ng kilos ng pandiwa
Ang mga kaganapang tagaganap at layon ay naipapahayag sa pamamagitan ng pariralang ng tulad ng mga pariralang ng sa mga sumusunod na pangungusap:

1) Kinain ng bata ang suman at manggang hinog. (kaganapang tagaganap)
2) Kumain ang bata ng suman at manggang hinog. (kaganapang layon)

Ang iba pang mga kaganapan ay naipahahayag sa pamamagitan ng pariralang sa o para sa, tulad ng mga pariralang sa sa mga sumusunod na pangungusap:

3) Bumili ako ng ilaw na kapis para sa pinsan kong nagbalikbayan. (kaganapang tagatanggap)
4) Nagtanim ng gulay sa bakuran ang aming katulong. (kaganapang ganapan)
5) Pinunasan ko ang mga kasangkapan sa pamamagitan ng basahang malinis. (kaganapang kagamitan)
6) Nagkasakit siya dahil sa labis na paghithit ng opyo. (kaganapang sanhi)
7) Ipinasyal ko sa Tagaytay ang mga panauhin kong kabilang sa "Peace Corps". (kaganapang direksyunal)


3) Pokus ng Pandiwa

Pokus ang tawag sa relasyong pansemantika ng pandiwa sa simuno o paksa ng pangungusap.

Pitong pokus ng pandiwa:
  1. pokus sa tagaganap
  2. pokus sa layon
  3. pokus sa ganapan
  4. pokus sa tagatanggap
  5. pokus sa gamit
  6. pokus sa sanhi
  7. pokus sa direksyon
1) pokus sa tagaganap - panaguring nasa pokus sa tagaganap ang pandiwa + paksa.

Halimbawa: 
Kumain ng suman at manggang hinog ang bata.
(Ang bata ay kumain ng suman at manggang hinog)

2) pokus sa layon - panaguring nasa pokus sa layon ang pandiwa + paksa

Halimbawa:
Kinain ng bata ang suman at manggang hinog.
(Ang suman at manggang hinog ay kinain ng bata.)

3) pokus sa tagatanggap - panaguring nasa pokus sa tagatanggap ang pandiwa + paksa

Halimbawa:
Ibinili ko ng ilaw na kapis ang pinsan kong nagbalikbayan.
(Ang pinsan kong nagbalikbayan ay ibinili ko ng ilaw na kapis.)

4) pokus sa ganapan - panaguring nasa pokus sa kaganapan ang pandiwa + paksa

Halimbawa:
Pinagtamnan ng gulay ng aming katulong ang bakuran.
(Ang bakuran ay pinagtamnan ng gulay ng aming katulong)

5) pokus sa kagamitan - panaguring nasa pokus sa kagamitan ang pandiwa + paksa

Halimbawa:
Ipinampunas ko ng mga kasangkapan ang basahang malinis.
(Ang basahang malinis ay ipinampunas ko ng mga kasangkapan)

6) pokus sa sanhi - panaguring nasa pokus sa sanhi ang pandiwa + paksa

Halimbawa:
Ipinagkasakit niya ang labis na paghithit ng opyo.
(Ang labis na paghithit ng opyo ay ipinagkasakit niya.)

7) pokus sa direksyon - panaguring nasa pokus sa direksyon ang pandiwa + paksa

Halimbawa:
Pinagpasyalan ko ng aking mga panauhing kabilang sa Peace Corps ang Tagaytay.
(Ang Tagaytay ay pinagpasyalan ko ng aking mga panauhing kabilang sa Peace Corps.)


Mga Aspekto ng Pandiwa
 Maraming makabagong linggwista ang naniniwala na ang mga pandiwang Tagalog ay nababanghay sa aspekto at hindi dahil sa panahunan.


1. Perpektibo o Aspektong Pangnakaraan – Ito ay nagsasabi ng kilos na natapos na ang sinimulang kilos. Tinatawag din itong panahunang pangnagdaanan o aspektong naganap.
Halimbawa:
Nagpaalam kami sa nanay mo nang kami’y umalis.
Nagpirito ng isda si Mang Kulas

2. Aspektong Perpektibong Katatapos - Nagsasaadito ng kilos na kayayari o katatapos lamang bago nagsimula ang pagsasalita.
Halimbawa: 
Katutula lang ni Pedro kanina.
Kalalakbay lang ni Anna sa Laguna kahapon.

3. Imperpektibo o Pangkasalukuyan – Ito ay nagsasaad ng kilos na laging ginagawa o kasalukuyang nangyayari. Tinatawag din itong panahunang pangkasalukuyan o aspektong nagaganap.
Halimbawa:
Hayan at umuulan na naman.
Naglalaba ng mga damit si Aling Bining sa ilog

4. Kontemplatibo – Ito ay nagpapahayag na ang kilos ay hindi pa nasisimulan o naisasagawa. Ito ay gagawin pa lamang. Tinatawag din itong panahunang panghinaharap o aspektong magaganap.

Halimbawa:
Magagawa mo ba ang bagay na ito?
Magbibigay ng pagsusulit ang guro bukas ng hapon.


Pangatlong Pagsusulit

Tama o Mali: Ibraken kung tama o mali ang pahayag na nasa ibaba.

11.    Relasyong pansemantika → Pokus
Tama
Mali
22.      Magaganap pa → Imperpektibo
Tama
Mali
33.      Bagay → Imperpektibo
Tama
Mali
44.      Layon → Perpektibo
Tama
Mali
55.      Tagaganap → Aktor
Tama
Mali



Mga Panuring


Image result for help Related imageRelated image




Pang- uri

Ang Pang-uri ay salitang nagsasaad ng katangian o uri ng tao, hayop, bagay, lunan at iba pa., na tinutukoy ng pangngalan o panghalip na kasama nito sa loob ng pangungusap.

Sa pamamaraang istruktural, ang pang- uri ay nakikilala dahil sa impleksyong nagaganap dito ayon sa kasidhian at hambingan. Ito ay kasama ng pangngalan  o panghalip, maliban kung ang mga ito ay inaalis na sa pangungusap.

May iba't ibang gamit ang pang- uri sa loob ng pangungusap: panuring ng pangngalan o panghalip, pang- uring ginagamit bilang pangngalan at kaganapang pansimuno.

Mga Halimbawa:
     1.Panuring Pangngalan
           Mararangal na tao ang pinagpala.

          Panuring Panghalip
             Kayong masisigasig ay tiyak na magtatagumpay

     2. Pang- uring ginagamit bilang pangngalan
             Ang mapagtimpi ay malayo sa gulo.

     3. Pang- uring Kaganapang Pansimuno
            Mga madasalin ang mga Pilipino.
             
Ang pang- uring ginagamit na panuring ay iniuugnay sa pangngalan o panghalip  sa pamamagitan ng mga pang- angkop.

 Mga Halimbawa:
      1. Nasa grasyang Diyos ang banal na tao.
      2. Magandang tanawin ang kanyang iginuhit na larawan.
      3. Malamang pata ng baboy ang pinaksiw niya.

a. KAYARIAN NG PANG- URI

  Mapapangkat sa apat na kayarian  ang mga pang- uri: payak, maylapi, inuulit, at tambalan

PAYAK ang pang- uri kung binubuo ng likas na salita lamang o salitang walang lapi.

Mga Halimbawa:
     1. Mainit ang ulo ang taong gutom.
     2. Huwag kang makipagtalo sa sinumang  galit.

MAYLAPI  ang pang- uri kung binubuo ang saalitang- ugat na may panlapi.  Tinatawag na panlaping makapang- uri ang mga panlaping ginagamit sa pagbuo ng pang- uri. Pinakagamitin ang mga panlaping ka-, kay-, ma-, maka-, at mala-

Mga Halimbawa:
     kalahi
     mataas
    malahininga
     kayganda
      makatao

Ang pang- uring INUULIT ay salitang ugato salitang maylapi na may pag- uulit. Maaring ganap o di ganap ang pag- uulit.

Mga Halimbawa:
          Pag- uulit na ganap:
               (ang) puti- puti
               puting- puti
               maputing- maputi
              maputi- puti
   
          Pag- uulit na Di- ganap:
                 (ang) liliit
                maliliit
TAMBALAN  ang pang-uri kung binubuo ng dalawang salitang pinag- iisa. Ang mga ganitong pang- uri ay maaring may kahulugang karaniwan o patalinghaga.

 Mga Halimbawa:
         Karaniwang kahhulugan
         
             taus- puso
            bayad- utang
            biglang- yaman
            hilis- kalamay

        Patalinhagang kahulugan

              kalatog- pinggan
              bulang- gugo
              ngising- aso
              kapit- tuko


b. KAILANAN NG PANG-URI

 May tatlong kailanan ang mga pang- uri: isahan, dalawahan, at maramihan.

Anyong isahan ang ginagamit kung iisa lamang ang inilalarawan; anyong dalawahan kung dalawa ang inilalarawan; anyong maramihan kung higit sa dalawa ang inilalarawan.

Mga Halimbawa:
    Kalahi ko siya. (isahan)
   Magkalahi kaming dalawa. (dalawahan)
  Magkakalahi tayong lahat. (maramihan)

c. KAANTASAN NG KASIDHIAN NG PANG- URI

May iba't ibang antas ng kasidhian ang pang- uri: lantay, o pangkaraniwan, katamtamang antas at masidhi.

 Lantay ang karaniwang anyo ng pang-uri, tulad ng mayaman. pang-araro, palabiro, atbp. Ang ikalawang antas ay tinatawag na katamtamang antas. Naipapakita ito sa paggamit ng medyo, nang bahagya, nang kaunti,atbp, o sa pag- uulit ng salitang- ugat o dalawang unang pantig nito.

Mga Halimbawa:
         1. Medyo hilaw ang sinaing.
         2. Labis nang bahagya ang pagkain.
         3. Mapurol nang kaunti ang kutsilyong ito.
         4. Masarap- sarap na rin ang ulam na niluto ni Aling Maria.
         5. Masipag- sipag na ngayon si Arsenio sa kanyang pag-aaral.

Ang ikatlong antas ay ang pinakamasidhi. Ito ay ang  naipapakita sa pamamagitan ng (1) pag-uulit ng salita, (2) paggamit ng mga panlaping napaka-, nag-.. . -an, pagka at kay:
(3) sa paggamit ng mga salitang lubha, masyado, totoo, talaga, tunay atbp.

Mga Halimbawa:
         1. Mataas na mataas pala ang bundok Apo.
         2. Napakalamig pala sa Lalawigang Bulubundukin.
         3. Nagtataasan  ang mga puno ng pino sa Baguio.
         4. Pagkaganda - ganda ng Look ng Taal.
         5. Lubhang malaking pagbabago ang nasaksihan natin sa bagong Administrasyon.

d, HAMBINGAN NG MGA PANG- URI

Nagkakaroon din ng iba't ibang anyo ang pang- uri ayon sa kung ito ay naglalarawan ng dalawa o higit sa dalawa.

Pang--uring pahambing ang tawag sa mga pang- uring naghahambing ng dalawang tao, bagay, pook atbp. Pasukdol naman ang tawag sa mga pang- uring naghahambing ng higit sa dalawa.

 May dalawang uri ng pang- uring pahambing (1) pahambing na magkatulad at (2) pahambing na di- magkatulad.

Magkatulad ang hambingan kung ang mga pinaghahambing ay pareho o magkapatas ng uri o katangian. Naipapakita ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga panlaping ka-, sing-, kasing-, magsing-, magkasing-, atbp., at sa paggamit ng mga salitang pampanulad, tulad ng gaya, tulad, paris, kapwa, atbp.

Mga Halimbawa:

1. Kamukha ni Mike ang ama niya
2. Kasingganda niya ang kanyang kapatid.
3. Magsindunong ang magkapatid na Mary Ann at Arsenio.
4. Magkakakulay ang mga Pilipino, Indonesio, at Malayo.
5. Magkakasimbilis ang mga kabayong alaga niya.

Di- magkatulad ang hambingan
 kung ang mga pinaghahambing ay hindi magkapatas ng uri o katangian. Naipapakita sa paggamit ng mga salitang panghambing tulad ng kaysa, di- tulad, di- gaano, di- gaya, di- hamak atbp.

Mga halimbawa:

1. Malayo ang Kiangan kaysa Baguio kung manggagaling sa Maynila.
2. Sariwa ang simoy ng hangin sa bukid, di- tulad ng hangin sa lungsod.
3. Higit na nakakapagod ang larong tennis na di- gaya sa pelota.
4. Di- gaanong mainam sa kalusugan ang karne ng baboy.
5. Mabuting di- hamak sa kalusugan ang karne ng baboy kaysa karne ng baka.


E. Mga Pamilang

Ibinibilang sa mga pang- uri ang mga pamilang sapagkat ginagamit na panuring ng pangngalan o panghalip.
Halimbawa, sa pangungusap na
1. Limang malalaking kaimito ang kanyang pasalubong.

ang pamilang na lima ay panuringng pangngalang kaimito samantalang ang pangungusap na

2. Sampung ganito ang kunin mo.

ang pamilang na sampu ay nagbibigay turing sa panghalip na ganito.


Pang- apat na Pagsusulit

Multiple Choice: Piliin ang tamang sagot sa bawat pahayag. Ibraken ang bilog pagkatapos ng titik sa mga pamimilian.

1)    Ang pahahambing kung ang pang uri ay naglalarawan ng mga katagiang kapwa taglay ng mga salita inilalarawan.
a.       Magkatulad
b.    Pahambing
c.    Di Magkatulad
d.    Panglarawan
2)      Naglalarawan ng hugis, anyo, lassa, amoy kulay, at laki ng mga bagay. Naglalarawan ito ng mga katangian at ugali ng isang tao o hayop. Naglalarawandin ito ng layo, lawak, ganda at iba pang katagian ng mga lugar.
a.       Pang-uri
b.    Palamang
c.    Magkatulad
d.    Panglarawan
3)      May anyong pangngalang pantagi na naglalarawan sa isang pangngalan.
a.       Pang-uri
b.    Pangtagi
c.    Palamang
d.    Pamilang
4)      naglalarawan ng higit sa dalwang bagay o tao.
a.       Palamang
b.    Pangtagi
c.    Pasukdol
d.    Pamilang



5. Pang - abay


                     Image result for raw daw
Sa instruktural na pagbibigay - kahulagan, ang pang- abay ay nakikilala dahil sa kasama ito sa isang pandiwa, pang- uri o isa pang pang- abay na bumubuo ng parilala.

Sa pansematikang pagbibigay ng kahulugan, ito ay nagbibigay- turing sa pandiwa, pang- uri o sa iba pang pang- abay. Halimbawa sa pangungusap na 

 Malayang namumuhay ang mga mamamayan.

ang malaya ay pang- abay na nagbibigay- turing sa pandiwang namumuhay. Sa pangungusap namang

Totoong lubhang nagulat sila sa iyong balita.

Ang totoo ay pang- abay na nagbibigay- turing sa pang- abay na lubha.

 Ang mga pang- abay ay nahahati sa dalawang pangunahing pangkat: (1) ang mga katagang pang- abay o ingklitik at (2) ang mga pang- abay na binubuo ng salita o parirala at maaring ilipat ng posisyon sa pangungusap.

(a) Ang pang- abay na kataga o ingklitik ay mga katagang laging sumusunod sa unang salita ng kayariang kinabibilangan. Sa tagalog ay may 16 na katagang pang- abay o ingklitik. Ang mga ito ay sumusunod:

ba
Kasi
Kaya
na
daw/raw
din/rin
naman
yata
pala
tuloy
nga 
lamang/ lang
man
muna
pa

Para sa ibang nagsasalita ng Tagalog ang rin/din at raw/daw ay malayang nagkakapalitan. Mayroon namang iba na ginagamit ang rin/raw kapag ang sinusundang salita ay nagtatapos sa patinig at malapatinig, samantalang ang din/daw ay karaniwang ginagamit kapag sinusundang salita ay nagtatapos sa katinig.

Ang lamang at lang  ay laging malayang nagkakapalitan. May ibang nagpapalagay na ang lamang ay gamit na pormal, samantalang ang lang ay impormal. Ang lamang at lang ay may kahulugang kilos na kagaganap kapag kasunod ang pandiwang banghay sa ka-.

Sa nasabing ang mga pangitngit ay may tiyak o iisang pusisyon sa pangingusap sapagkat hindi maaaring ilipat- lipat ng pusisyon. Halimbawa, sa pangungusap na
1 Natapos na ang ginagawa nila.

ang pangitngit na  na  ay hindi maaaring magkaroon ng iba pang pusisyon sa pangungusap. Hindi maaaring sabihin ang alinman sa mga sumusunod.

1. Natapos ang ginagawa na nila.
2. Natapos ang ginagawa nila na.

Samantala, ang ikalawang pangkat ng mga pang- abay ay maaaring ilipat ng pusisyon. Halimbawa, sa pangungusap na

1. Natapos kahapon ang gawain nila.

ang kahapon ay maaaring ilipat- lipat o baguhan ng pusisyon. Alinman sa mga sumusunod ay maaaring sabihin.

1. Kahapon natapos ang gawain nila.
2. Natapos ang gawain nila kahapon.

(b) Ang mga pang- abay na salita o parirala ay napapangkat sa mga sumusunod: (1) pang- abay na pamanahon (2) pang- abay na panlunan (3) pang- abay na pang- agam
(4) pang- abay na pamamaraan (5) pang- abay na kundisyunal (6) pang- abay na panang- ayon (7) pang- abay na pananggi (8)pang- abay na panggaano o pampanukat (9) pang - abay na kusatibo (10) pang- abay na benepaktibo (11) pang- abay na pangkaukulan.

Ang pang - abay na pamamanahon ay nagsasaad kung kailan naganap o magaganap ang kilos na taglay ng pandiwa. Napapangkat ang ganitung uri ng pang- abay: (1) yaong may pananda (2) yaong walang pananda. 

Para sa pamanahong may pananda ay ginagamit ang mga panandang nang, sa, kung, kapag, tuwing, buhat,mula, umpisa, hanggang.

Mga halimbawa:

1. Kailangang ka bang pumasok nang  araw- araw?
2. Inaasahan tayo roon sa  gabi, hindi sa araw.
3. Noong Lunes siya nagsimula sa kanyang bagong trabaho.
4. Kung araw ng Sabado siya nagtutungo sa lalawigan.
5. Kapag Mahal na Araw ay sinisikap niyang mag- abstinensya at mag- ayuno.

May mga pang- abay na pamanahon na walang pananda tulad ng kahapon, kangina. ngayon, mamaya, bukas, sandali, atbp.

Gamitin natin sa pangungusap ang ilan sa mga pang- abay na ito.

1. Pitong pangunahing alagad ng sining ang tumanggap kahapon ang "Nutritional Artist Award" buhat sa Unang Ginang.
2. Manonood kami bukas ng pambansang pagtatanghal ng dulang Pilipino sa CCP.
3. Ipinagdiriwang ngayon ng Makati ang ika- 262 anibersaryo ng kaarawan ni Gabriela Silang.

May mga pang- abayna pamanahon na nagsasaad ng dalas ng pagganap sa kilos na taglay ng pandiwa. Ilang halimbawa ang araw- araw, taun- taon, oras- oras, atbp. Narito ang ilang halimbawa sa pangungusap.

1. Dinidilig araw-araw ng masipag na hardinero ang malawak na damuhan sa paaralan.
2. Pinapausukan nila araw- araw ang namumulak na punong langka sa kanilang bakuran.
3. Taun- taon ay dapat tayong magbayad ng buwis para sa ikapagtatagumpay ng mga proyekto ng pamahalaan.
4. Tuwing Mayo ay nagdaraos kami sa aming pook ng santakrusan.
5. Nag- eehersisyo siya tuwing umaga upang mapanatili ang kanyang kalusugan.

Ang pang- abay na panlunan ay tumutukoy sa pook na pinangyarihan,  pinangyayarihan o pangyayarihan ng kilos ng pandiwa. Karaniwang ginagamitan ng pariralang sa/kay ang ganitong pang- abay. Sa ang ginagamit kapag ang kasunod ay pangngalang pambalana o panghalip.  Kay,  o ang maramihan nitong kina, ang ginagamit kapag ang kasunod ay pangngalang pangtanging ngalan ng tao. Ang pangngalang pantanging ngalan ng pook o bagay  ay pinangungunahan na sa. 

Narito ang ilang halimbawa:

1. sa + pangngalang  pambalana
 
       Maraming masarap na ulam ang itinitinda sa  kantina.

2. sa+ pangngalang pantanging di ngalan ng tao

       Maraming nagsasaliksik sa U. P sa Ateneo at sa PNC tungkol sa wika.

3. sa+ panghalip na panao

         Nanawagan sa amin ang mga nasalanta ng bagyo.

4. sa + panghalip na pamatlig

          Nagluto sa ganito  ang kanyang ina.

5. kay + pangngalang pantanging ngalan ng tao

          Tumawag siya kay Fely upang ipagbigay alam ang nangyari.

6. kina+ pangngalang pantanging ngalan ng tao

         Nagpaluto ako kina Aling Ingga ng masarap na keyk para sa iyong kaarawan.


Ang  pang- abay na pamaraan  ay naglalarawan kung paano naganap, nagaganap o magaganap ang kilos ang ipinapahayagng pandiwa o ng isang kayariang hango sa pandiwa. Dalawa ang panandang nagagamit sa pang- abay na pamamaraan:(1) ang panandang nang at (2) ang pangawil na na/-ng.  Narito ang mga halimbawa:

1. Kinamayan niya ako nang  mahigpit.

2. Natulog siya nang patagilid.

3. Bakit siya umalis na umiiyak.

4. Lumapit ditong tumatakbo ang bata.

5. Tumawa siyang parang sira ang isip.


Pang- abay na pang- agom  ang tawagsa mga pang-abay na nagbabadya nag di- katiyakan sa pagganap sa kilos ng pandiwa. Ang ilan sa mga pang- abay na ganito ay marahil, siguro, tila, baka, atbp. Narito ang ilang pangungusap na may pang- abay na pang- agam.

1. Marami na marahil  ang nakabalita tungkol sa desisyon sa Sandiganbayan.

2. Higit sigurong marami ang mga otel na itinatayo sa katimugan kaysa sa hilaga ng Pilipinas.

3. Tila   patuloy na ang pag- unlad ng turismo sa  Pilipinas.

4. Baka  maging sapat na ang akomodasyon para sa mga dayuhan pagkaraan ng dalawang taon.

5. Waring  natutupad din ang ating mga pangarap.

Ang  pang- abay  na kundisyunal  ay nagsasaad ng kundisyon para maganap ang kilos na isinasaad ng pandiwa. Ang pang- abay na kundisyunal ay ang mga sugnay o parirala na pinangungunahan ng  kung, kapag, o pag at pagka-.  Narito ang ilang pangungusap na mga pang- abay na kundisyunal.

1. Matutupad ang mga layunin ng ating pamahallan para sa bayan kung buong- puso tayong makikipagtulungan sa maga may kapangyarihan.

2. :Luluwag ang ekonomiya ng bayan kapag nakapagtatag ng maraming industriya dito sa atin.

3. Maraming dolyar ang papasok sa Pilipinas kapag nakapagbibili na tayo ng langis sa ibang bansa.

4. Kapag (o Pag o Pagka) sumapit na ang gayong papanahon maraming Pilipino ang giginhawa sa buhay.


Ang pang- abay na panang- ayon  ay nagsasaad ng pagsang- ayon. Ang ilan sa ganitong pang- abay ay oo, opo, tunay, talaga, atbp.

1. Oo, asahan mo ang aking pagtulong.
2. Opo, nangangailangan tayo ngayon ng higit na pagtitipid at kasipagan.
 Tunay na maraming pamilya ang nabiyayaan ng bagong administrasyon.
4. Talagang  mabilis ang pag- unlad ng bayan.
5. Sadyang malaki na rin ang ipinanumbalik ng kapayapaan.

Pang- abay na pananggi yaong mga pang- abay na nagsasaad ng pantanggi tulad ng  hindi/ di at ayaw.

Mga halimbawa sa pangungusap:

1.  Hindi  pa lubusang nagagamot ang sakit na kanser.
2.  Di pinabubbulaanan ng mga manggagamot na ang labis na paninigarilyo ay isa sa pinagmumulan ng kanser sa baga.
3. Ngunit marami pa rin ang  ayaw  tumigil sa pagsisigarilyo.

Pang- abay na panggaano o pampanukat  yaong mga pang- abay na nagsasaad ng timbang o sukat. Narito ang ilang halimbawasa pangungusap.

1. Tumaya ako nang limang libra.
2. Dinagdagan niya ang binibiling lansones nang apat na guhit.
3. Tumaas na si Choy nang dalawang pulgada buhat noong huli niyang kaarawan.
4. Tumagal nang apat na oras ang operasyon niya.
5. Pinabawasan niya nang isang metro ang telang binibili niya.

Pang- abay na kusatibo  ang tawag sa pang- abay na nagsasaad ng dahilan sa pagganap sa kilos ng pandiwa. Binubuo ito ng parirala o sugnay na pinangungunahan ng dahil sa.

Narito ang ilang halimbawa:

1. Nagkasakit si Vianing dahil sapagpapabaya sa katawan.
2. Napapaniwala ko siya dahil dito.

Pang- abay na benepaktibo ang tawag sa mga pang- abay na nagsasaad ng benepisyo para sa isang tao dahil sa pagkaganap sa kilos ng pandiwa o ng layunin ng kilos ng pandiwa.

Mga halimbawa:

1, Mag- aroskaldo ka  para sa may sakit.
2. Magbili ka ng mga alaga mong manok para sa matrikula mo.

Ang mga pang- abay na pangkaukulan  ay pinangungunahan ng  tungkol, hinggil o ukol.

Mga halimbawa:

1. Nagplano kami  tungkol sa gagawin nating pagdiriwang.
2. Nagtapat siya sa ina hinggil sa kanilang pagiging magnobyo.
3. Nagtalumpati ang Unang Ginang  ukol sa mga maitutulong ng mayayamang bansa bago pa lamang nagpapaunlad.


Pang- limang Pagsusulit:

Paglalahad: Ibigay ang tamang sagot sa bawat pahayag sa ibaba.

_______1. Ito ay nagsasaad ng kundisyon para maganap ang kilos na isinasaad ng pandiwa. 
_______2. Sa ganitong pang- abay ay oo, opo, tunay, talaga, atbp.
_______3. Ito ay mga katagang laging sumusunod sa unang salita ng kayariang kinabibilangan.
_______4. Ito ang tawag sa pang- abay na nagsasaad ng dahilan sa pagganap sa kilos ng pandiwa. 
_______5. Karaniwang ginagamitan ng pariralang sa/kay ang ganitong pang- abay.


Ngayon naibigay namin ang ilan sa mga gabay sa pag-aaral tungkol sa wika. Maaaring kayo naman ang magbigay ng mga halimbawa ng PANGNGALAN, PANDIWA, PANG- URI, PANG- ABAY, PANGHALIP.

MGA KASAGUTAN:

UNANG PAGSUSULIT:

1. Pangngalan
2. Pantangi
3. Pambalana
4. Tahas
5. Basal

PANGALAWANG PAGSUSULIT

1. b
2. b 
3. b
4. a
5. a

PANGATLONG PAGSUSULIT

1. Tama
2. Tama
3. Tama
4. Mali
5. Tama

PANG- APAT NA PAGSUSULIT

1. a
2. d
3. b
4. c

PANG- LIMANG PAGSUSULIT

1. Pang- abay na kondisyunal
2. Pang- abay na panang- ayon
3. Pang- abay na kataga o ingklitik
4. Pang- abay na kusatibo
5. Pang- abay na panlunan


Sanggunian;
      Santiago, Alfonso O at  Norma G.Tiangco. 2003, Makabagong Balarilang Filipino. Binagong Edisyon, Manila: Rex Book Store.
    

Mga Komento